Ang Banal Na Salita Ayon Kay San Juan 10:1-10

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay Siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok Siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang Kanyang tinig. Tinatawag Niya ang Kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, Siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang Kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang Kanyang tinig.” Sinabi ni Hesus ang talinhagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig Niyang sabihin.

Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa Akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan Ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito Ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay—isang buhay na ganap at kasiya-siya.”

Aral gabay sa buhay:

Ang tunay na gabay sa buhay ay ang tinig ni Hesus—kapag Siya ang ating sinusunod, makakaranas tayo ng tunay na kaligtasan at masaganang buhay. Lagi nating piliing makinig at magtiwala kay Hesus kaysa sa ibang “tinig” na maaaring magdala sa atin sa kapahamakan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Share the Post:

Related Posts

Scroll to Top