NOONG panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa Akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi Ko na sana sa inyo. At paroroon Ako upang ipaghanda Ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na Ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik Ako at isasama kayo sa kinaroroonan Ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan Ko.”
Sinabi sa Kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan Kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang Aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo Siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po Ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo Akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa Ako nakikilala? Ang nakakita sa Akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang Ako’y sumasa- Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi Ko ay hindi Ko sinasabi sa ganang Aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng Kanyang mga gawain.
Maniwala kayo sa Akin: Ako’y sumasa-Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi Ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi Ko sa inyo: ang nananalig sa Akin ay maka- gagawa ng mga ginagawa Ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na Ako sa Ama.”
Aral gabay sa buhay:
Hinihikayat tayong lubos na magtiwala, sumunod, at mamuhay ayon sa pag-ibig ni Kristo. Isabuhay natin ang Kanyang mga salita—simulan sa maliliit ngunit makabuluhang hakbang: magpatawad, makiramay, at laging piliin ang tama. Sa ganitong paraan, nagiging kabahagi tayo sa Kanyang gawain. Kapag isinapuso natin ang pag-ibig at pinagyayaman ang ating personal na ugnayan sa Diyos, unti-unting nahuhubog ang isang buhay na mas payapa, mas malinaw ang direksyon, at higit na makabuluhan.