Natanong mo na ba ang iyong sarili kung bakit tila may mga bagay, tao, at mga pangyayari na binibigay o ipinaparanas sayo ni Hesus hanggang isang araw ang lahat ng mga ito ay mawawala at magiging isang alaala na lamang? Ang sakit, di ba? Mapapatanong ka na lamang sa iyong sarili, bakit nga ba?
Dumarating tayo sa yugto ng ating buhay na parang tumigil bigla ang pag-ikot ng Mundo. May mga pagkakataon na kung minsan sa pagmulat ng ating mga mata, may mga luha na bigla na lamang papatak nang hindi natin namamalayan at bigla na lamang tayong matutulala sa kawalan.
Pero ganoon yata talaga ang buhay. Daraan lang tayo sa Mundong ito. Napakaikli lamang ng buhay. Napakabilis nang takbo ng panahon na parang tubig na umaagos na hindi natin kayang pigilan bagkus dapat na lang natin maunawaan na ang ating buhay ay panandalian lamang.
Nasaan na nga ba ang dating ikaw? Ikaw na punong puno ng saya at ngiti. Ikaw na walang tinitingnan mali at kahinaan sa kapwa. Ikaw na punong puno ng pagmamahal at pang-unawa. Totoo nga na binabago tayo ng panahon. Kaya ano man ang hamon ng buhay at lungkot na minsan ay ating nadarama, piliin pa din sana natin ang maging mabuti at masaya.
Hayaan nating manumbalik ang ngiti sa ating mga mata at maisip nating hindi tayo nag-iisa dahil nandyan si Hesus na pupuno sa puwang na ating nadarama.
Kaya Kaibigan, tumahan ka na sa iyong paghikbi, dahil sa kabila ng lungkot na iyong nadarama, darating ang bukas na punong puno ng pag-asa. Kaya ngiti ka na dahil hindi ka nag-iisa, may isang kamay na patuloy na humahawak sa iyo at hindi ka binibitawan kahit pagod ka na at gusto mo ng sumuko..
Halika, ipikit mo ang iyong mga mata, damhin mo ang katahimikan at kapayapaan na dinadala ng simoy ng hangin at ibulong ang isang panalangin.
Hesus kailangan kita, akayin mo ako saan man ako magpunta..
– Chie Soriano
