Isang Liham Para sa Lahat ng Ina – Para sa mga nagsilang, tumayong ina, at patuloy na nagmamahal.
Sa Aming Da Best na Inay,
Ang pagiging ina ay hindi natatapos sa araw ng panganganak. Ito ay isang tungkuling walang hanggan—isang misyon ng puso na madalas ay umaabot hanggang sa huling hininga. Kahit sa kanyang pagtanda, ang iniisip pa rin ay: “Kumain na kaya sila? Kumusta na ang mga anak ko?”
Ang pagmamahal ng ina ay walang kupas. Walang hangganan.
Sa mga inang nasa ibang bansa, alam naming sa iyong pag-alis ay mas mabigat ang puso kaysa sa hila-hilang maleta. Bawat hakbang palayo sa tahanan ay parang kalaban ng damdamin. Sa likod ng bawat ngiti ay nakatago ang lungkot— isang malalim na buntong-hininga, isang patagong hikbi sa bintana ng eroplano. At kung maaari lang… kung maaari lang ay huwag matapos ang tawag, ang video call, ang pakiramdam na parang niyayakap ka pa rin ng mga iniwan mong anak sa airport.
Mayroon ding mga tumayong ina ng mga anak habang tayo’y malayo—mga tiyahin, lola, kapatid, o kaibigan na naging pansamantalang tumatayong ina. Hindi man sila ina sa papel, sila ay naging ina sa puso.
Sa araw na ito, para sa inyo ang aming taos-pusong pasasalamat.
Kaya para sa lahat ng ina— dugo man o hindi, nagsilang man o tumayong ina—saludo kami sa inyo.
Ang pagiging ina ay hindi nasusukat sa pinagmulan, kundi sa kakayahang magmahal, mag-aruga, at magsakripisyo nang walang hinihintay na kapalit. At tulad ng Inang Maria— ang huwaran ng pananampalataya at sakripisyo—na buong loob na sumunod sa kalooban ng Diyos at kinimkim sa puso ang hapdi ng pagdurusa ng kanyang bugtong na Anak na si Hesus, kayo rin ay aming inspirasyon.
Tahimik ngunit matatag. Maalaga ngunit matapang. Ina sa lahat ng panahon.
Ikaw, Ina, ang aming lakas—ang matatag at makapangyarihang tinig na patuloy na nagtutulak sa amin tungo sa pagtupad ng aming mga pangarap. Ang iyong mga payo ay baon namin sa aming puso habang tinatahak ang landas ng buhay. Ang iyong mga panalangin ay gabay namin sa bawat hakbang ng aming paglalakbay. At ang iyong pagmamahal, ang init na nagpapawi sa aming kalungkutan sa tuwing kami’y malayo sa iyong piling.
Ngayong Araw ng mga Ina, isang taos-pusong pagpupugay para sa inyong lahat!
Bilang isang pagpupugay ay samahan kami sa Banal Na Misa ngayong Linggo, 11 May 2025 sa St. Mary’s Catholic Church Dubai para sa isang parangal sa lahat ng Nanay.
Da Best Ka Inay!
Mahal na mahal namin kayo,
Ang inyong mga anak, kapamilya, at buong sambayanang Pilipino